2010/03/15

"Nanay"

Ilang weeks pa lang ako sa mundong ito nang kunin nyo ko sa mga magulang ko para ikaw ang mag-alaga sa 'kin. Noong time na yun, isang taon pa lang kasal sina Mom and Dad at medyo nangangapa pa sa buhay bilang mag-asawa at mga magulang. At tradisyon daw sa side ninyo na ang panganay na anak ay lumalaki sa kalinga ng lolo't lola. Kaya pala si Ninong (kuya ng Dad ko) eh sa Bulacan hanggang noong nagtapos siya ng high school.

Sabi mo, ako ang pinaka-spoiled na bata noong panahon na 'yun. Tuwing Linggo ay pinapasyal ninyo ako ng yaya ko. Kung saan-saan tayo nakakarating at nagagawa kong kumain kung saan ko gusto at madalas nga eh kapag nakakita ako ng Jollibee, sabi mo pagpipilitan kong bumaba tayo para kumain dun kahit na alanganin ang lokasyon. Tapos di ko naman halos gagalawin yung pagkain. Noong 4th birthday ko, pinaghanda ninyo ako ni Tatay sa Jollibee somewhere sa Taft at niregaluhan pa ng malaking sidecar.

Nakwento mo rin kung gaano karaming bote ng Johnson's baby powder ang kinalat ko sa sahig ng bahay ninyo dati sa Tondo. At kung ilang beses din akong nahulog sa hagdan dahil sa sobrang kalikutan ko. Dahil dyan, andami kong bukol. Grabe, bata pa lang ako, may katigasan na ang ulo ko.

Pero despite my being a brat, hindi ka nagkulang sa pag-aalaga sa 'kin. Ikaw ang nag-instill sa akin ng kahalagahan ng edukasyon sa murang edad. Araw-araw noong preschool ako, ikaw ang naghatid at sumundo sa akin sa eskwelahan. Pinagmamalaki mo ko sa mga parents at guardians ng mga kaklase ko kung gaano ako katalino. Nakwento mo rin na may isang exam noong Nursery ako na napa-office tayo pareho. Kasi ine-explain pa lang ng teacher yung instructions, sumasagot na ko sa exam. Akala tuloy eh may leakage. Napahiya natin sila noong nasa office tayo, kasi pinabasa ako ng lahat ng nakapaskil sa pader at nabasa ko sila nang maayos. Kung alam lang nila kung ilang libro, dyaryo at komiks ang pinababasa mo sa kin mula noong 3 years old pa ko. Tapos, naalala ko noong Prep ako na pinagalitan mo ko kasi ang laki masyado ng sulat ko at pinagpractice mo ko ng pagsulat nang maayos. Salamat sa 'yo at masasabi kong matino ang penmanship ko.

Andami mong sakripisyo para sa 'kin. Isang taon din tayong di kinibo nina Mom and Dad kasi ayaw kong sumama sa kanila pabalik sa 'min noong nagtapos na ko ng Nursery. Ilang beses mo rin akong pinangaralan dahil sa kakulitan at katigasan ng ulo ko. At noong bumalik na ko sa 'min after Preschool, di mabilang ang pagkakataon na hinatid-sundo mo ko para lang mag-spend ng weekend sa inyo. Kaya ka siguro nagka-arthritis dahil sa 'kin.

Ngayong nakatapos na ko ng pag-aaral, aaminin ko na di na kita gaanong nabibigyan ng atensyon, kung kelan mas napalapit na bahay nyo sa 'min. Once a month, natutulog nga ko sa inyo pero di rin kita halos nakakasama kasi gabi na rin ako nakakatuloy sa inyo and mas ginugugol ko ang oras na mag-surf sa net. Nagi-guilty rin ako, lalo na't alam ko ang realidad na hindi na rin gaano katagal ang ilalagi ninyo sa mundong ito.

Ngayong kaarawan mo, gusto kong sabihin at ipadama sa 'yo kung gaano kita kamahal. Malaki ang iniambag mo sa buhay ko. Maaaring naging spoiled ako noon (and siguro hanggang ngayon hahaha), pero malaki ang kontribusyon mo kaya masasabi kong matino naman ang tinatakbo ng buhay ko sa ngayon. At bilang ganti, sisikapin kong ibigay ang pagpapahalagang nararapat para sa 'yo. Mahal kita, Nanay and happy birthday sa 'yo.

7 comments:

  1. awww this is nice. happy birthday to your mom. =)

    ReplyDelete
  2. how sweet. ang unique nung situation nyo ha. sabihin mo happy birthday.

    ReplyDelete
  3. @engel Thanks. Actually, she's my paternal grandma. Nanay lang tawag ko kasi siya ang nakagisnan ko when I was growing up.

    @ʎonqʎʇıɔ Thanks too. I just realised how much I miss actually being with her when we celebrated her birthday yesterday.

    =)

    ReplyDelete
  4. @anteros Thanks hehehe.

    ReplyDelete
  5. hipong hipo ako sa entry mo na ito... sa lolot lola rin ako lumaki hanggang elementary. hayy antindi ng iniiyak ko noon nung nawala sila.

    Happy birthday sa nanay mo. i admire you kasi love na love mo sila lalo na si nanay mo.

    ReplyDelete
  6. @Cloud Airheart Ngayon pa lang di ko kakayaning maisip paano ang buhay na wala na sila. Pero yun ang realidad. Kaya sana maging conscious ako na ipadama sa kanila kung gaano ko sila kamahal at pinahahalagahan ang pag-aaruga nila sa 'kin.

    Thanks for dropping by rin. =)

    ReplyDelete